Tatlong Pasyente (Part 2)

Si Patient B ay isang lalaking humigit-kumulang 45 taong gulang. Isinugod siya sa ER dahil, kuwento ng kanyang kasama, nahilo lang siya, sumakit ang dibdib at nabuwal na.

Iba na ang kulay ni Patient B nung nakita ko siya. Tutok kagad ako ng stethoscope sa kanyang dibdib. Hindi ito tumitibok. "Code! Code!" sigaw kagad ako, at dali-daling tumakbo ang lahat ng mga nurse, clerk at intern sa lugar ko.

"Intubation set, ma'am pa-bed side na ako!" Kinakabahan ako dahil wala akong kasamang residente nung mga sandaling yon. Ito na, sabi ko sa sarili ko, magi-intubate na ko. Kaya laking gulat ko na lang noong may mga anesthesiology residents na bumaba para maglagay ng tubo sa pasyente. Pinagbigyan ko na dahil alam kong emergency ang kaso na ito. Dadating din ang oras na ako na ang gagawa nito.

Wala pa din akong kasama. Nagpa-pump na ang mga clerk at dumating na ang ECG technician. V-Fib ang tracing sa ECG. Nagpakuha na ako ng defibrillator. Alam kong nakakatawa na habang lahat ng iyon ay nangyayari, naiisip ko ang mga eksena sa mga palabas na gaya ng House at Grey's Anatomy. Pero totoong nangyayari ito ngayon.

Kinuryente ko ang dibdib niya. Wala pa ding response. V-Fib pa din ang mga sumunod na tracing. Pump ulit ang mga clerk. Nakaka-anim na akong vial ng epinephrine. Nagbigay na din ako ng NaHCO3. Wala pa din.

"Kuya! Wag muna kuya!" palahaw ng isang babaeng may dala-dalang bata. Paglingon ko ay nagulat ako sa dami ng taong nasa loob na ng ER at pinapanood ang code namin. 20 minuto na kaming nagre-resuscitate. Hindi na maganda ang prognosis ni Patient B, isip ko. Gusto ko na ring ihinto ang code, pero alam kong hindi ako ang magdedesisyon nito.

Sudden cardiac death ang diagnosis ko. Noon ay may bumaba nang mga residente at kinausap naming muli ang mga kamag-anak niya. Alam naming wala nang magagawa. Inihinto namin ang code makalipas ang isang oras kahit na 30 minuto lang ang nasa protocol.

+++

Hindi ko masisisi ang mga kamag-anak niya. Hindi ko din siguro matatanggap na pwedeng naglalakad lang ako ay bigla na lang akong matutumba at instant, patay na ko. (Pwera na lang kung totoong may Kira, gaya ng sa Death Note, hehe). Kaya ko lang natatanggap ang mga ganitong bagay ngayon ay dahil napag-aralan ko ito at alam kong pwede itong mangyari. Naisip ko na mas madali ngang matanggap ang kamatayan ng isang taong matagal nang naratay dahil sa karamdaman.

Pero naisip ko din na, kung iisipin natin palagi na maari tayong mamatay anumang oras, pwede natin itong paghandaan.