Paglaki ko... (Reprise)

Gusto kong maging doktor.

Simula noong bata ako, hindi ako nabigo sa mga pangarap ko. Ginusto kong makapasok sa magandang pamantasan, pumasa ako sa lahat ng in-apply-an ko. Pumasa ako ng med tech boards. Nakapasok ako sa Med School. Pumasa ako ng revalida. Nakapasok ako sa gusto kong ospital para sa internship. Pumasa ako ng med boards.

Pero hindi ako natanggap sa Residency program.

First time. Hindi ako pinayagang tumuloy sa landas na gusto kong tahakin.

Hindi ko ngayon alam ang susunod na hakbang.

Tatlong Pasyente (Part 1)

Si Patient A ay 21 taong gulang na isinugod sa ER dahil naglaslas siya at uminom ng ilang banig na antibiotic at pain killers. Nakakatoxic! Kasama kasi niya dumating sa ER ang tatay niya na halos nababaliw na dahil hindi siya makapaniwala sa nangyari sa anak. Maputlang-maputla at nakatulala lang si Patient A. Hindi ako sigurado kung nakadilat ang mata niya dahil gising siya o dahil namatay siyang dilat. Kinuha ng clerk ang BP niya, meron pa pero napakababa.

"Ma'am, dalawang IV line! Pa-run ako, PNSS!" sigaw ko sa mga ER nurse.

"Jenny (hindi niya tunay na pangalan), you're a good girl! We love you so much!" sigaw ng kanyang ama habang niyayakap ang tulalang si Patient A.

Naiinis na ang mga clerk ko dahil wala silang makuhang history galinbg sa pasyente at pati sa kawawa niyang tatay na hindi pa rin makapaniwala sa lahat ng nangyayari. Nainis ako sa mga clerk ko dahil sa kagustuhan nilang makakuha ng history, hindi nila naisip na hindi pwedeng kumuha ng matinong kwento galing sa emotionally distraught parent. Sinubukan kong kausapin si Jenny. Tinanong ko kung bakit niya ginawang magpakamatay. "Gusto ko nang mamatay!" sabay iyak.

Love life ang hula ko. Ito lang naman ang madalas na dahilan ng mga bata para magpakamatay. At hindi ako nagkamali. Si Jenny ay isang graduating nursing student, achiever, malambing sa magulang. Sa mga narinig ko, hindi ma-contact ng mga magulang ni Jenny ang boyfriend niya. Iyak pa din siya ng iyak. Hydrate lang ako ng hydrate.

Stable na si Jenny. Sa hula ko, hindi maraming dugo ang nawala sa kanya. Hindi rin masyadong mababa ang hemoglobin niya. Hindi karaniwang ginagamit sa pagpapakamatay ang mga tabletang ininom niya pero kahit anong gamot ay may side-effect. Marami na siyang naisuka dahil nilagyan ko siya ng NGT. Alam kong stable na siya dahil nagpapaka-brat na siya ulit. Kahit na naiinis ako sa pagka-brat niya, masaya na ko na wala na siya sa panganib. Ia-admit na dapat siya pero dahil sa walang bakanteng kwarto, lumipat siya sa ibang ospital.

+++

Hindi ko naiitindihan ang mga nagpapakamatay. Lalo na para sa napakababaw na dahilang love life. Oo, totoo na kanya kanyang threshold ang mga tao at baka para sa kanila, ang mabigo sa pag-ibig ang pinakamahirap.

Pero di ba napaka-selfish ng pagpapakamatay?

Sa kaso ni Jenny, hindi niya naisip ang sakit na mararamdaman ng kanyang mga magulang, kabigan, kaklase, at lahat ng nagmamahal sa kanya. Hindi din ba niya naisip na walang kwentang magpakamatay para sa taong iniwan lang siya? At kung hindi niya talaga gustong mamatay (na tingin ko ay ang pinakamalaking posibilidad), lalong napaka-walang kwenta ng ginawa niya dahil gagastos lang ng malaki ang kanyang mga magulang, mag-aalala lang ang mga nagmamahal sa kanya, at inaaksaya lang niya ang oras ko na dapat nakalaan sa pagtingin sa mga taong gustong madugtungan ang buhay.

Paglaki ko...

Gusto ko maging doktor.

Ang bilis ng panahon. Wala akong sinabi kundi yun nung bata ako pag first day of school. Ngayon, pagkalipas ng 20 taon, mahigit isang milyong piso, pagod at puyat, lisensyadong doktor na ko. Bow.

Kakatapos lang ng pre-residency period sa UST sa Department of Medicine. Hindi ko alam kung natutuwa ang mga tao sa naging desisyon ko na maging MROD. Para kasi sa kanila, mas okay kung nag-Neurology ako. E bakit ba, eto ang gusto ko. Hindi ako magiging masaya kung hindi Medicine ang kinuha kong training.

Kakatapos lang ng 6 na linggong training. Kung nalaman ko lang nung bata ako na ganito ang mangyayari pag doktor na ako, baka nagdalawang isip ako. ANG HIRAP HIRAP PALA.

Noong unang duty ko sa Clinical (ang dating charity) Division ng ospital, meron akong naging pasyente na nakakabit sa mechanical ventilator na, para sa aming lahat, ay maliit na (kung meron man) ang pag-asang mabuhay. Kinakausap namin ang mga kamag-anak niya para ipaalam sa kanila ang kalagayan ng pasyente at hingin ang pasya nila kung magre-resuscitate pa kami kapag namatay muli (oo, muli) siya. Nagpasya silang i-let go na ang mahal nila sa buhay sakaling malagutan na ito ng hininga. Makalipag ang ilang oras ay wala na akong naririnig na tibok ng puso niya. Sinabi ko ito sa kanyang anak. Ipinatawag ko ang ECG tech para ma-document ang "flat line" niya. At flat line na nga.

"Wala na po siya," sabi ko.

Noong maaga-aga pa, narinig kong sinabi ng senior ko, "ayan, si Ome, pwede na siyang mag-pronounce." Meron na daw kasi akong lisensya. Lisensya para gumamot ng mga tao. Lisensya din para magdeklara na wala nang buhay ang isang tao. Lisensya. Isang pirasong papel na may plastic. Katungkulang humawak ng buhay.

Woah.

Ang laking responsibilidad. Masarap isipin na kaya kong magdugtong ng buhay sa isang taong nasa bingit ng kamatayan. Oo, kaya ko. Kaya napakalungkot isipin na habang hawak ko na ang mga gamot na pwedeng magdugtong ng buhay, kailangan kong isipin kung paano mabibili ng kawawang pasyente ang mga nasabing gamot at kung saka-sakali mang mabili niya yon, meron pa ba siyang matitirang pera para bumili nang pagkain?

Ang hindi alam nng marami, sa ganitong mga pagkakataon, kung kailan nakabingit sa kamatayan ang isang pasyente, hindi lang ang kamag-anak ang mabigat ang gagawing desisyon. Ang doktor din ay nagdedesisyon kung marapat pang dugtungan ang buhay kung ang kapalit ay mas malaking paghihirap para sa lahat.

Habang ang isang pasyente ay maaari lamang mamatay nang isang beses, ang doktor ay haharap sa ganitong mga sitwasyon mahigit pa sa gugustuhin niya.

Ang hirap pala maging doktor.