Buhay MROD at Incubus

Grabe. Tatlong buwan na pala akong hindi nag-blog. Siguro masyado akong naging abala sa pagtulog dahil sa bugbog ng katawan sa pagiging MROD. Alam kong wala pa talaga akong nadadaanang malaking "hurdle" sa pagiging residente, pero ramdam ko na kasi yung malaking pinagkaiba ng responsibilidad kapag MROD na.

Dati ang buhay ay ganito: Gising. Kain. Pasok. Kain. Uwi. Tulog. Napakasimple di ba? Ngayon, ganito na ang buhay: Gising. Pasok. Rounds. Bugnot. Pasyente. Kain. Boljak. Uwi. Tulog. Minsan naman ganito: Gising. Pasok. Audit. Boljak. Bugnot. Bugnot. Bugnot. Bugnot. Boljak. Uwi. Tulog.

Kaya mabuti na lang at dumating ang Marso 9. ASTIG!

Napakasaya nung concert ng Incubus. Mas masaya siya kaysa noong 2004. Isusunod ko na lang ang isang buong entry na tungkol lang sa concert na yun. Basta ang alam ko, mabuti na lang merong Incubus concert. Masaya na ulit ang buhay MROD.

Incubus


May concert ang Incubus sa March 9, 2008 (at kung hindi ako mag-iiba ng duty sked, hindi ako duty sa araw na yun). Nae-excite na ko! Nandun ako nung una nilang concert noong March 2004 at hindi ko papalampasin ang concert na to!!!

Natatandaan ko pa, nagbenta ako ng ilang mga libro ko noon para lang makabili ng ticket. Hahahaha! Kaya please, kung meron nang nakakaalam kung saan bumibili ng ticket, i-email niyo ako!!! ome[dot]romano[at]gmail[dot]com.

Tatlong Pasyente (Part 3)

Nagulat ako kanina dahil sa kalagitnaan ng download ko ng isang episode ng Gossip Girl ay tinawag ako ng kasama namin sa bahay at sinabing may naghahanap sa akin. Nakakagulat yon dahil wala namang bumibisita sakin dahil sobrang bihira lang ako umuwi dito sa probinsya.

Noong makaharap ko na ang naghahanap daw sa akin, nakita ko ang isang medyo matangakad na lalaki, mapayat, medyo luwa ang mata at iniabot ang kamay sa akin.

"Good afternoon, doc. Natatandaan mo pa ba ko? Ako si Juan (hindi niya pangalan)." Pagkasabi niya ng pangalan niya ay noon ko lang siya nakilala. Ang laki na pinagbago ng itsura niya. Siguro bukod sa hindi ko siya nakita sa mahigit sampung taon ay iyon ay dahil na rin sa kanyang sakit.

Batchmate ko siya noong grade school ako. Meron siyang goiter, sabi sa kanya ng doktor. Ang tingin ko sa kanya ay meron na siyang Grave's disease - ang pinakamadalas na sanhi ng thyrotoxicosis o hyperthyroidism. Pumunta siya, sa tingin ko, para humingi ng second opinion dahil may nagsabi na sa kanya na kailangan niyang operahan. Natatakot daw siya sa opera dahil daw baka ikamatay niya.

Sinabi ko sa kanya ang iba niyang pwedeng gawin gaya ng radioablation, na gagamit lamang ng radioactive na iodine para sirain ang thyroid cells. Hindi kailangan ng opera.

Sa aming pagkukuwentuhan nabatid ko na ang mas malaki niyang problema ay ang kawalan ng pera para magpagamot. Natiyak ko ito noong manghiram siya sa akin ng pera. Nagulat ako doon. Naalala ko siya nung bata pa kami. Bully siya. Ngayon isa na siyang namamalimos.

Buhay nga naman. Hindi natin maaaring malaman ang pwedeng mangyari sa hinaharap. Malamang ay hindi niya siguro naisip na dadating ang araw na lalapitan niya ako para sa ganitong klaseng problema. Umuwi lamang siya ngayon pagkatapos ko siya bigyan ng reseta para sa gamot niya at konting halaga. Pinayuhan ko siya na magpunta sa provincial hospital para magpatingin at kung wala dito ang kailangan niya ay puntahan niya ako sa UST.

Sana gumaling ka, Juan.

MROD

HOUSE: Hey, Wilson! I'm going to cut some cripple's eye out! Want to come watch?
WILSON: Good times.

- 97 seconds, House Season 4 Ep 3
*******

Marami akong dapat ipagpasalamat ngayong buwan ng Disyembre. Unang-una ay ang pagkatanggap ko sa Residency Program sa USTH. Marami pang dapat ayusin pero wala naman talaga akong ginusto kung hindi ang matanggap. Maaayos din lahat.

Masaya din ako dahil nakapanood na ulit ako ng paborito kong medical drama - House. Nag-DVD marathon ako ng buong season 3 at itinuloy hanggang season 4. Ang ganda ng season 4!!! Sobrang nakakatawa ang mga dialogue at maganda ang mga kaso. Siyempre, pinaiiral ko pa din ang pagka-geek ko kaya nire-research ko ang mga sakit na ipinapalabas. Nagulat ako sa Mirror Mirror (Season 4 Ep 5) dahil ang nasabing Giovanini's syndrome ay hindi totoong sakit...

Pero dahil nag-research ako, nakita ko ang journal na ito: Zelig-like Syndrome. Ang galing-galing!!! Pero wala pa din Giovanini's syndrome. :(

Para sa tulad kong TV addict (na hindi, kasi hindi naman ako nanonood ng TV, puro sa laptop ako nanonood ng mga TV shows - labo no?)
  • TWIZ TV - makikita ninyo dito ang mga transcript ng napakadaming TV shows per episode, kasama na ang House.
  • TV.Com - ito na siguro ang IMDB ng TV shows.
  • EZTV.it - dahil mas madalas ka sa harap ng computer kaysa sa TV.
*******

MROD na ako. Yey!!! Masyado yata akong na-depress noong hindi ako natanggap noong una. Kaya ang saya-saya ngayong natanggao na ako. Pero naging mas masaya dahil sa mga taong nakasama ko at naramdaman kong sincere sila noong sinabi nila na masaya sila at nandoon ako. Salamat Dr Francis Purino, Dr Patrick Moral, Dr Ria Calata, Dr Jun Villon, Dr Butch Mapayo, Dr Julie Visperas, at sa lahat ng batchmates at kaibigan ko.

Patlang

Isang buwan na ang lumipas mula noong huli akong nagsulat. Ang bilis kung iisipin. Isang buwan na naman ang natapos na wala akong ibang ginawa kundi mamalagi sa ospital.

Natapos na ang pangalawang batch ng mga pre-res sa Medicine. Sa ngayon, wala pa ring sinasabi kung makakapasok na nga ako bilang residente sa gusto kong ospital. Ilang beses na akong nawalan ng pag-asa kapag naiisip ko ang dalawang posibilidad na kinakaharap ko: matanggap o hindi matanggap.

Sa kabila nang lahat ng ito, meron pa ring bumubulong sa aking isipan. Bakit ba ako nandito? Bakit ba ako nagdoktor?

Noong isang gabi kasama ko ang isang kasambahay at napagusapan namin na ang tungkot sa pagkaliit-liit na susuweldohin ng isang residente. Hindi pa kasama dito ang pagod ng 140-oras na ipinapasok sa ospital kada linggo (na walang over time pay), ang kawalan ng holiday at ang napakarami pang mga pasakit.

Pero alam ko naman ang sagot sa tanong ko.

Ilang beses akong napapunta sa dispensaryo ng Medicine (OPD). Magkakasunod na araw sa magkakasunod na linggo. Dahil dito marami akong nakitang pasyente at nakapag-follow up din sila sa akin. Sa mga pagkakataong gaya noon nalalaman kong naroon ako sa dapat kong kalagyan. Marami sa mga pasyente ko ang umaalis sa OPD nang nakangiti. Marami sa kanila ang nagsasabing "hahanapin ko po kayo, Dr. Romano, sa aking pagbalik." May pailan-ilan ding kapag nakita ako sa labas ay binabati ako kasama ng matamis na ngiti. May mga ilang araw na hindi ako ng-OPD, at nababalitaan kong hinahanap ako ng mga nakita kong pasyente. May pailan-ilan ding nagkakamali at naghahanap ng clinic ko. Hahaha.

Naaalala ko ang isang text message na natanggap ko noong med school pa lang. Sinasabi noon na hindi mahalaga kung naging mataas ang aking mga marka sa lahat ng pagsusulit. Hindi mahalaga kung marami akong sinalihang samahan. Ang mahalaga lamang ay ang sasabihin ng pasyente. Kung kahit isang sandali lamang ay nabigyan ko siya ng kaginhawahan.

Bawat ngiti at pasasalamat ay higit pang kabayaran sa pagod, sa puyat, sa mga bulyaw at lahat ng sakripisyo.

Sana ay mapagbigyan na akong magawa pa ang lahat ng mga ito sa susunod pang 3 taon.