Patlang

Isang buwan na ang lumipas mula noong huli akong nagsulat. Ang bilis kung iisipin. Isang buwan na naman ang natapos na wala akong ibang ginawa kundi mamalagi sa ospital.

Natapos na ang pangalawang batch ng mga pre-res sa Medicine. Sa ngayon, wala pa ring sinasabi kung makakapasok na nga ako bilang residente sa gusto kong ospital. Ilang beses na akong nawalan ng pag-asa kapag naiisip ko ang dalawang posibilidad na kinakaharap ko: matanggap o hindi matanggap.

Sa kabila nang lahat ng ito, meron pa ring bumubulong sa aking isipan. Bakit ba ako nandito? Bakit ba ako nagdoktor?

Noong isang gabi kasama ko ang isang kasambahay at napagusapan namin na ang tungkot sa pagkaliit-liit na susuweldohin ng isang residente. Hindi pa kasama dito ang pagod ng 140-oras na ipinapasok sa ospital kada linggo (na walang over time pay), ang kawalan ng holiday at ang napakarami pang mga pasakit.

Pero alam ko naman ang sagot sa tanong ko.

Ilang beses akong napapunta sa dispensaryo ng Medicine (OPD). Magkakasunod na araw sa magkakasunod na linggo. Dahil dito marami akong nakitang pasyente at nakapag-follow up din sila sa akin. Sa mga pagkakataong gaya noon nalalaman kong naroon ako sa dapat kong kalagyan. Marami sa mga pasyente ko ang umaalis sa OPD nang nakangiti. Marami sa kanila ang nagsasabing "hahanapin ko po kayo, Dr. Romano, sa aking pagbalik." May pailan-ilan ding kapag nakita ako sa labas ay binabati ako kasama ng matamis na ngiti. May mga ilang araw na hindi ako ng-OPD, at nababalitaan kong hinahanap ako ng mga nakita kong pasyente. May pailan-ilan ding nagkakamali at naghahanap ng clinic ko. Hahaha.

Naaalala ko ang isang text message na natanggap ko noong med school pa lang. Sinasabi noon na hindi mahalaga kung naging mataas ang aking mga marka sa lahat ng pagsusulit. Hindi mahalaga kung marami akong sinalihang samahan. Ang mahalaga lamang ay ang sasabihin ng pasyente. Kung kahit isang sandali lamang ay nabigyan ko siya ng kaginhawahan.

Bawat ngiti at pasasalamat ay higit pang kabayaran sa pagod, sa puyat, sa mga bulyaw at lahat ng sakripisyo.

Sana ay mapagbigyan na akong magawa pa ang lahat ng mga ito sa susunod pang 3 taon.

0 comments: