Paglaki ko...

Gusto ko maging doktor.

Ang bilis ng panahon. Wala akong sinabi kundi yun nung bata ako pag first day of school. Ngayon, pagkalipas ng 20 taon, mahigit isang milyong piso, pagod at puyat, lisensyadong doktor na ko. Bow.

Kakatapos lang ng pre-residency period sa UST sa Department of Medicine. Hindi ko alam kung natutuwa ang mga tao sa naging desisyon ko na maging MROD. Para kasi sa kanila, mas okay kung nag-Neurology ako. E bakit ba, eto ang gusto ko. Hindi ako magiging masaya kung hindi Medicine ang kinuha kong training.

Kakatapos lang ng 6 na linggong training. Kung nalaman ko lang nung bata ako na ganito ang mangyayari pag doktor na ako, baka nagdalawang isip ako. ANG HIRAP HIRAP PALA.

Noong unang duty ko sa Clinical (ang dating charity) Division ng ospital, meron akong naging pasyente na nakakabit sa mechanical ventilator na, para sa aming lahat, ay maliit na (kung meron man) ang pag-asang mabuhay. Kinakausap namin ang mga kamag-anak niya para ipaalam sa kanila ang kalagayan ng pasyente at hingin ang pasya nila kung magre-resuscitate pa kami kapag namatay muli (oo, muli) siya. Nagpasya silang i-let go na ang mahal nila sa buhay sakaling malagutan na ito ng hininga. Makalipag ang ilang oras ay wala na akong naririnig na tibok ng puso niya. Sinabi ko ito sa kanyang anak. Ipinatawag ko ang ECG tech para ma-document ang "flat line" niya. At flat line na nga.

"Wala na po siya," sabi ko.

Noong maaga-aga pa, narinig kong sinabi ng senior ko, "ayan, si Ome, pwede na siyang mag-pronounce." Meron na daw kasi akong lisensya. Lisensya para gumamot ng mga tao. Lisensya din para magdeklara na wala nang buhay ang isang tao. Lisensya. Isang pirasong papel na may plastic. Katungkulang humawak ng buhay.

Woah.

Ang laking responsibilidad. Masarap isipin na kaya kong magdugtong ng buhay sa isang taong nasa bingit ng kamatayan. Oo, kaya ko. Kaya napakalungkot isipin na habang hawak ko na ang mga gamot na pwedeng magdugtong ng buhay, kailangan kong isipin kung paano mabibili ng kawawang pasyente ang mga nasabing gamot at kung saka-sakali mang mabili niya yon, meron pa ba siyang matitirang pera para bumili nang pagkain?

Ang hindi alam nng marami, sa ganitong mga pagkakataon, kung kailan nakabingit sa kamatayan ang isang pasyente, hindi lang ang kamag-anak ang mabigat ang gagawing desisyon. Ang doktor din ay nagdedesisyon kung marapat pang dugtungan ang buhay kung ang kapalit ay mas malaking paghihirap para sa lahat.

Habang ang isang pasyente ay maaari lamang mamatay nang isang beses, ang doktor ay haharap sa ganitong mga sitwasyon mahigit pa sa gugustuhin niya.

Ang hirap pala maging doktor.

0 comments: